Ramdam ang matumal na bentahan ng mga nagtitinda ng karne ng baboy sa lungsod ng Santiago sa gitna ng umanoy pagbaba ng presyo ng mga ito sa karatig na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Aida De Guzman, Vice President ng meat shop sa nasabing lungsod, sinabi niyang nakakaapekto sa kanilang kita ang mas mababang presyo sa ibang lugar tulad na lamang ng bayan ng Alicia, Isabela na nagiging dahilan upang doon bumili ang ilang consumers.
Ayon kay De Guzman, sa kasalukuyan ay nasa P300 hanggang P340 kada kilo ang presyo ng liempo habang nasa P280 hanggan P300 kada kilo naman ang laman ng mga baboy sa pamilihan.
Umaasa ang mga nagtitinda na magkakaroon ng patas na galawan ng presyo upang hindi maapektuhan ang lokal na merkado at tuluyang bumagsak ang kanilang benta.
Patuloy namang minomonitor ng mga vendor ang sitwasyon at umaapela ng suporta sa mga mamimili na tangkilikin ang mga produktong ibinebenta sa loob ng lungsod.











