--Ads--

Malaki ang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prof. Anna Marie Medrano-Bahala, Agricultural Economist and Agribusiness Associate Professor ng Isabela State University, sinabi niya na mayroong domino effect ang mataas na presyo ng langis, hindi lamang sa hanay ng transportasyon kundi maging sa presyo ng mga pagkain.

Mayroon naman aniyang opsyon na magtipid ang mamamayan subalit kung mababa ang consumption o spending ng isang bansa, bumabagsak ang ekonomiya, at bumababa rin ang investment o pamumuhunan.

Aniya sa ganitong sitwasyon na sobrang taas ang presyo ng petrolyo, apektado rin ang sektor ng agrikultura dahil karamihan sa mga farm inputs ay imported, at bukod dito ay kinakailangan din nila ng petrolyo para sa makinarya at pag-transport ng produkto.

--Ads--

Posible umano itong maging dahilan upang tumigil sa pagtatanim ang mga magsasaka na makaaapekto naman sa food security ng bansa.

Ayon kay Prof. Bahala, hindi na bago sa Pilipinas ang pagkakaroon ng labis na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo kaya dati nang may programa ang pamahalaan upang matulungan ang mga apektadong sektor gaya na lamang ng fuel subsidy.

Aniya, kailangan ding pag-aralan ng pamahalaan ang mga import duties, maging ang excise tax na nakakapagdagdag sa presyo ng petrolyo sa bansa nang sa ganoon ay hindi gaanong maapektuhan ang mamamayan.

Panahon na rin aniya na maghanap ng alternatibong source ng energy gaya ng solar, wind at hydro upang hindi laging nakadepende ang bansa sa langis.