Tinututukan ng Slovenia ang pagpapalawak ng kalakalan at pamumuhunan sa Pilipinas kasabay ng negosasyon ng bansa para sa free trade agreement sa European Union.
Ayon kay Slovenian Ambassador Smiljana Knez, nasa humigit-kumulang 30 milyong dolyar lamang ang kalakalan ng dalawang bansa noong nakaraang taon, ngunit nakikita nila ang malaking potensyal para sa paglago lalo na kung maisasakatuparan ang EU-Philippines FTA.
Inaasahang makatutulong ang naturang kasunduan sa pagpasok ng mas maraming negosyo at investments, partikular sa sektor ng enerhiya, pharmaceutical, at high-tech industries.
Kasalukuyang nasa Pilipinas ang isang Slovenian business delegation para sa trade mission na nakatuon sa energy resilience at security sa gitna ng global oil crisis. Kabilang sa mga target nilang makausap ang ilang malalaking business groups at kumpanya sa bansa sa sektor ng enerhiya, imprastraktura, at teknolohiya.
Layunin ng inisyatiba na palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Slovenia sa pamamagitan ng mas malalim na ugnayang pangkalakalan at joint ventures sa iba’t ibang industriya.











