--Ads--

Binigyan na ng palugit ng pamahalaang lunsod ang may-ari ng ginagawang water refilling station sa Brgy. Sillawit upang matabunan ang hukay at upang hindi na makaepekto pa sa kalapit na mga residente.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlunsod Member Ariel Kenneth Uy, sinabi niya na sa pagbisita ng City Council kasama si Mayor Caesar Jaycee Dy sa mga barangay ay kanilang napuntahan ang ginagawang water refilling station at nakausap ang may-ari na si Ginang Emily Bautista.

Dito humingi ng tatlong linggong ekstensyon ang may-ari para maayos ang konstruksyon ngunit hindi pumayag ang pamahalaang panlunsod at iginiit na ngayong linggo hanggang sa susunod na linggo na lamang ang ibibigay na palugit upang maisaayos at matabunan ang hukay.

Aniya una nang nagbigay ng sulat ang DENR para sa pagpapatigil sa konstruksyon ng water refilling station ngunit hindi sumunod ang may-ari kaya hindi sila pumayag sa hiniling nito.

--Ads--

Nakiusap naman si SP Member Uy sa may ari na makipagcooperate at sumunod dahil marami na ang apektadong residente sa tabi ng konstruksyon.