Nasamsaman ng hinihinalang shabu, mga hindi lisensyadong baril, bala at granada ang isang 44-anyos na mekaniko matapos isilbi ng mga awtoridad ang isang Search Warrant sa kanyang bahay sa Solano, Nueva Vizcaya nitong Biyernes, Hulyo 17.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Manuel,” residente ng Purok 4, Barangay Osmeña, Solano.
Pinangunahan ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office-Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Provincial Intelligence Unit (PIU) ang pagpapatupad ng search warrant, katuwang ang Solano Police Station, 1st Provincial Mobile Force Company at Regional Intelligence Unit 2.
Sa isinagawang operasyon, narekober ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 5.04 gramo at tinatayang halaga na ₱34,272.
Nakumpiska rin mula sa suspek ang isang improvised caliber .22 firearm at 45 bala nito, isang RG caliber .22 revolver, isang homemade shotgun kasama ang mga 12-gauge shotgun shell, isang caliber .45 pistol at 27 bala nito, isang hand grenade, tatlong glass tube at iba pang kagamitan na ginagamit umano sa iligal na droga.
Batay sa tala ng mga awtoridad, naaresto na rin ang suspek noong 2011 dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga ngunit kalaunan ay napawalang-sala.
Sa panig naman ng suspek, iginiit nitong isinangla lamang sa kanya ang mga nakumpiskang baril. Inamin din umano nito sa mga pulis ang kinaroroonan ng granada at itinuro ang kabinet kung saan ito nakatago.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Republic Act No. 9516 kaugnay ng ilegal na pagmamay-ari ng pampasabog.










