CAUAYAN CITY- Inilipat sa mas malaking pagamutan sa Lungsod Tuguegarao ang mga indibidwal na nasugatan sa pagguho ng Sta. Maria-Cabagan Bridge sa Lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante “Watu” Foronda, Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer, sinabi niya na nagtamo ng pinakamatinding injury ang menor-de edad na rider ng isang motorsiklo dahil ito ay nagkaroon ng bali sa kaniyang binti at mayroon din itong head trauma.
Ang ilan naman ay nagkaroon ng injury sa lower back habang minor na sugat lamang ang tinamo ng ilan.
Ayon kay Atty. Foronda, isang span lamang ng tulay ang bumagsak at ipinagpapasalamat naman nila na ito ay sa mababang parte na lamang ng tulay.
Samantala, naging madali lamang ang ginawang pagresponde ng mga rescuers dahil maraming tumugon na mga kalapit na LDRRM Offices at mga concerned agencies para tumulong sa pag-rescue.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LDRRM Assistant Aljorey Eduard Bernaser, sinabi niya na kasama nila sa pag-responde ang BFP, PNP, MDRRMO Santa. Maria at San Pablo, PDRRMO Isabela at Philippine Red Cross.
Aniya, alas-7 kagabi nang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa insidente na agad naman umano nilang tinugunan.
Sa loob lamang aniya ng 15 minutes ay naitakbo na sa Hospital ang anim na biktima.
Bagama’t mabilis natapos ang kanilang rescue operation ay marami pa ring mga tao ang nagtutungo roon kaya minabuti nilang manatali sa lugar para matiyak ang kanilang kaligtasan lalo na at hindi pa ligtas sa pinangyarihan ng insidente.
Matatandaan na binuksan sa mga motorista ang nasabing tulay nitong Pebrero kung saan nagsagawa muna umano ng retrofitting ang DPWH at mga contractor nito dahil gumalaw ang bahagi ng tulay.
Ayon kay Gov. Rodito Albano, iconic ang nasabing tulay dahil sa arkong design nito na maaring isa sa naging dahilan ng pagbagsak ng bahagi ng tulay dahil sa bigat nito.
Ang nasabing tulay ay may habang 720-meter na magko-konekta sa bayan ng Cabagan at Sta. Maria.
Umabot naman sa 639.6 million pesos ang inilaan na pondo para sa tulay na sinimulan ang konstruksyon noon pang 2018.
Ayon sa DPWH Region 2, medyo natagalan ang konstruksyon nito dahil nakita nila na hindi akma ang disenyo nito sa istruktura ng tulay kaya kumunsulta muna sila sa mga eksperto para masiguro na ito ay matibay.