Iginiit ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na hindi maituturing na biro ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y pakikipag-ugnayan sa isang hitman, kundi isang seryoso at patuloy na banta.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Matibag na lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng NBI na may bigat ang mga naging pahayag ng Bise Presidente at hindi dapat balewalain.
Ipinaliwanag niya na isinasaalang-alang ng ahensya ang ilang salik sa pagtukoy ng banta, kabilang ang pattern ng karahasan, tindi ng insidente, kakayahan at motibo ng sangkot na indibidwal, gayundin ang pagkakakilanlan ng mga tinukoy sa pahayag.
Nakasentro ang Article IV ng impeachment complaint sa umano’y grave threats laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez, gayundin sa alegasyong pag-uudyok ng sedisyon.
Bilang huling testigo ng House prosecution para sa naturang artikulo, inaasahang magiging mahalagang bahagi ng pagtalakay ng impeachment court ang testimonya ni Matibag sa pagsusuri ng mga ebidensyang iniharap.
Ayon pa sa NBI, ang mga naturang pahayag ay may kakayahang magdulot ng kaguluhan at hindi basta sakop ng karapatan sa malayang pamamahayag, kaya kinakailangang sumailalim sa wastong legal na proseso.











