Nasabat ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP), sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang tatlong abandonadong inbound parcel na naglalaman ng ilegal na droga sa isang cargo facility sa Barangay Vitalez, Parañaque City.
Nakumpiska sa mga parcel ang humigit-kumulang 4,046 gramo ng ecstasy at 3,596 gramo ng shabu na may tinatayang kabuuang halaga na P29.7 milyon.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang tatlong lokal na consignee na posibleng may kaugnayan sa naturang mga shipment, na nagmula sa mga foreign shipper sa Germany at Zambia.
Wala namang naaresto kaugnay ng insidente dahil abandonado ang mga parcel nang matagpuan.
Samantala, isinuko na sa PDEA ang mga nasamsam na ilegal na droga para sa wastong disposisyon.











