CAUAYAN CITY – Tiniyak ng 5th Infantry Division Philippine Army na nasa ligtas na lugar ang mga mamamayan ng Pilar, Abra na apektado sa engkwentro sa pagitan ng kasundaluhan at mga kasapi ng CPP-NPA.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office o DPAO ng 5th Infantry Division Philippine Army sinabi niya na nagsagawa ng security operation ang mga kasundaluhan ng 50th Infantry Battalion sa Pilar, Abra nang maabutan ang armadong grupo ng New Peoples Army (NPA).
Nasugatan sa engkwentro si Corporal Markson Tadeo nang tamaan ng bala sa balikat na agad na inilikas sa lugar upang mabigyan lunas at ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan.
Aniya naging agaran ang paglikas ng mga residente ng Brgy Nagcanasan at Sitio Paring, Brgy. Babal-Lasioan Sta. Maria, Ilocos Sur upang sila ay mailayo sa lugar na pinangyarihan ng enkwentro.
Nakapagbigay na rin ng relief goods ang pamahalaan sa mga residenteng pansamantalang nasa evacuation center.
Ginamit ng pwersa ng pamahalaan ang kanilang air assets sa nasabing engkwentro na ikinabahala ng mga residente.
Tiniyak ni Maj. Pamittan na ligtas ito sa mga residente dahil ang mga rebeldeng NPA naman ang kanilang target na nasa malayo ring bahagi ng kabundukang sakop ng nasabing sitio.
Aniya panglimang engkwentro na ito ng mga sundalo at rebeldeng grupo ngayong taon na nagpapakitang nauubusan na sila ng lugar na pagtataguan kaya laging namamanmanan ng pamahalaan.











