CAUAYAN CITY- Posibleng matanggal sa listahan ng mga nakakakuha ng social pension ang mga senior citizen na hindi kumukuha ng kanilang social pension.
Ayon kay OSCA head Edgardo Atienza, sakaling mamonitor ng hanay ng DSWD ang hindi pagclaim ng isang social pensioner sa kanyang pension ay maari itong tanggalin sa listahan.
Aniya, marahil kasi na isa sa dahilan ay hindi na kailangan pa ng isang beneficiary ang kanyang pension o kaya ay pumunta na ito ng ibang bansa.
Wala rin itong nakikitang dahilan na hindi makukuha ang dalawang magkasunod na pension dahil may mga schedule sa bawat Barangay.
Sakali namang may sakit ay pwedeng magpadala ang isang senior citizen ng kamag anak niya na kukuha.
Kaya naman, nanawagan ang ahensiya na sikapin sana na huwag pabayaang hindi makuha ang social pension sa dalawang magkasunod na beses dahil maari itong magresulta sa pagkakatanggal lalo at marami ring seniors ang walang natatanggap.