Puspusan na ang paghahanda ni Mr. Universe Philippines 2026 Jastine Dalampasig ng Jones, Isabela para sa kanyang pagsabak sa Mr. Universe 2026 na gaganapin sa India, kung saan kanyang kakatawanin ang Pilipinas laban sa mga delegado mula sa 32 bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dalampasig, sinabi nitong nakatuon siya ngayon sa masinsinang paghahanda para sa pandaigdigang kompetisyon, kabilang ang physical conditioning, personality development at iba pang aspeto ng pageantry upang maipakita ang husay, talento, at kakayahan ng mga Pilipino, lalo na ng mga Isabelino, sa international stage.
Si Dalampasig, na tubong Jones at kinatawan ng lalawigan ng Isabela sa national pageant, ay itinanghal na grand winner ng Mr. Universe Philippines 2026. Dahil dito, siya ang magiging opisyal na kinatawan ng bansa sa international competition at kauna-unahang pambato mula sa Isabela na nagwagi ng naturang pambansang titulo.
Ayon sa kanya, malaking karangalan at responsibilidad ang katawanin ang Pilipinas sa prestihiyosong patimpalak. Aniya, nagsisilbing inspirasyon niya ang walang sawang suporta ng kanyang pamilya, mga kababayan sa Jones, mga dating guro sa Isabela State University–Jones Campus, at ng buong lalawigan ng Isabela.
Inamin din ni Dalampasig na isa sa mga hamon na kanyang kinakaharap sa paghahanda ang pinansyal na pangangailangan para sa training, biyahe, at iba pang gastusin kaugnay ng kompetisyon. Gayunman, sinabi niyang higit na nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob ang moral support at tiwala ng mga taong sumusuporta sa kanyang pangarap.
Makakasama niya sa paglahok sa kompetisyon sa India si Mr. Teen Universe Philippines 2026 Richard Tuazon, na magiging kapwa delegado ng Pilipinas sa patimpalak.
Ayon kay Dalampasig, dalawa lamang silang opisyal na delegado na magtutungo sa India kaya inaasahan nilang magtutulungan sila sa paghahanda, kabilang ang pag-aayos ng kanilang kasuotan, make-up, at iba pang pangangailangan sa pageant.
Nakatakda silang bumiyahe sa Agosto 12 para sa pageant na gaganapin hanggang Agosto 17, kung kailan idaraos ang coronation night.
Bukod sa hangaring maiuwi ang korona, nais din ni Dalampasig na magsilbing inspirasyon sa mga kabataang patuloy na nangangarap at nagsisikap na makamit ang kanilang mga mithiin sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.
Umaasa naman siya na maitaas ang bandila ng Pilipinas at makapag-uwi ng karangalan para sa bansa sa kanyang pagsabak sa Mr. Universe 2026.











