CAUAYAN CITY – Plano ng National Public Transport Coalition o NPTC na sumali sa panibagong tigil pasada na ikakasa ng grupong Manibela bilang pagtutol sa nalalapit na pagtatapos ng palugit sa franchise consolidation.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition o NPTC, sinabi niya na maliban sa pagsali ng kanilang grupo ay mananawagan din siya sa iba pang transport group at maging sa grupo ng mga modernized jeepney na sumali sa tigil pasada.
Aniya marami na ring tsuper at operator ng modernized jeepney ang nagrereklamo kaya panahon na upang magsama-sama ang transport groups upang ipahayag ang kanilang hinaing.
Dahil naka-recess ang kongreso at babalik lamang sa buwan ng Mayo ay umaasa silang magkakaroon ng ekstensyon ang April 30 deadline ng franchise consolidation.
Kailangan pa aniyang magpasa ng mga dokumento ang Department of Transportation sa kongreso.
Kung ipipilit pa rin ng pamahalaan ang pagpapatupad nito ay magpapatuloy ang kanilang isinasagawang tigil pasada.
Aniya nais ng pamahalaan ng modernisasyon sa pampublikong transportasyon ngunit mali ang proseso nito na hindi nila nakikitang magtatagumpay sa hinaharap.
Napakaraming butas ang PUVMP na dapat munang busisiin ng LTFRB at DOTR bago ipagpilitang ipatupad.











