Hindi na tutuloy sa Thailand si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag upang dumalo sa isang regional summit at sa halip ay maghahanda para sa kanyang pagharap sa Senate impeachment court sa Hulyo 20.
Ayon kay Matibag, napagdesisyunan niyang kanselahin ang kanyang biyahe sa Bangkok upang mabigyang-priyoridad ang kanyang nakatakdang pagtestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Matatandaang hiniling ng House prosecution panel na maaga siyang makapagbigay ng testimonya dahil sa nauna nitong planong pagdalo sa naturang summit.
Sinabi ni Matibag na inimbitahan ang NBI ng Federal Bureau of Investigation o FBI para sa pagpupulong sa Thailand kung saan nakatakda rin sanang dumalo si FBI Director Kash Patel. Aniya, nakatanggap pa siya ng personal na liham mula kay Patel bilang pagkilala sa naging pakikipagtulungan ng NBI sa FBI sa pagbabalik ng isa sa mga most wanted fugitives ng Estados Unidos.
Bagama’t nanghinayang sa hindi matutuloy na pagkakataon para sa isang personal na pagpupulong kay Patel, sinabi ni Matibag na nakipag-ugnayan na siya sa FBI director upang magtakda na lamang ng ibang araw at lugar para sa kanilang pagpupulong sa hinaharap.











