Itinaas sa Blue Alert ang alert status ng National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NDRRMOC) simula alas-8 ng umaga nitong Nobyembre 12 bilang paghahanda sa ika-49 ASEAN Leaders’ Summit na gaganapin sa Pilipinas mula Nobyembre 16 hanggang 18.
Sa inilabas na memorandum, layunin ng hakbang na mas mapalakas ang pagbabantay at pagtugon sa mga posibleng banta o emergency sa panahon ng summit na dadaluhan ng mga lider ng mga bansang ASEAN at iba pang delegado.
Inatasan ang mga Detailed Duty Officers mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine National Police (PNP) na magtalaga ng mga tauhan sa NDRRMC Operations Centers.
Paganahin din ang virtual Emergency Operations Center upang mapabilis ang koordinasyon ng mga ahensiya. Samantala, inatasan ang mga regional DRRM council na magsagawa ng risk assessment at tiyaking nakahanda ang kanilang mga tauhan, kagamitan at relief supplies sakaling magkaroon ng emergency.








