Nakataas na sa blue alert status ang lalawigan ng Batanes matapos itong isailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 dahil sa Bagyong Francisco.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Officer Roldan Esdicul ng Batanes, sinabi niyang patuloy ang isinasagawa nilang information dissemination sa publiko upang mapaalalahanan ang mga residente sa mga kinakailangang paghahanda para sa kanilang kaligtasan.
Aniya, nakagawian na sa Batanes ang pagtatali ng bubong at paglalagay ng tapangko o window shutters bilang proteksyon tuwing may bagyo, kaya’t may mga bahay na hindi na ito inalis mula noong nakaraang tag-bagyo.
Gayunman, may ilang residente na nagtanggal ng naturang proteksyon sa kanilang bahay dahil sa matinding init na naranasan noong tag-init.
Isa rin sa kanilang pinangangambahan ang mga pananim ng mga magsasaka, partikular ang mga root crops, na maaaring maapektuhan ng masamang panahon.
Sa ngayon, patuloy ang paghahanda para sa Batanes Day celebration na magsisimula ngayong Linggo, kaya’t doble ang pag-iingat ng lokal na pamahalaan sa kabila ng banta ng bagyo.
Wala pa namang abiso na kanselahin ang pagdiriwang dahil maayos pa ang kondisyon sa isla, at umaasa ang mga opisyal na hindi lalapit nang husto ang bagyo.











