--Ads--

Malaking tulong para sa hanay ng tricycle drivers ang P5,000 cash assistance na ipagkakaloob ng pamahalaan kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coaltion, aminado siya na mabigat para sa mga tricycle drivers ang pagtaas ng presyo ng gasolina lalo at mayroon nang mga ulat na umabot na sa nobenta ang presyo nito sa ilang mga lugar sa bansa.

Dahil dito, hindi na umano nila alam kung paano sila kikita lalo’t hindi pa tumataas ang pamasahe. Ang ilan sa mga ito ay nakikiusap na lamang sa mga pasahero na magdagdag ng pasahe upang kahit papaano ay maibsan ang kanilang pagkalugi.

Mayroon na rin aniyang tumigil sa pamamasada habang ang ilan ay mayroon lamang piling oras kung kailan lumalabas upang makatipid ng gasolina.

--Ads--

Samantala, nanawagan din ang NPTC sa pamahalaan na tanggalin ang excise tax ng langis maging ang e-Vat upang tuluyang maibsan ang pasanin ng mga Pilipino sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.