--Ads--

Humihirit ang mga tricycle driver sa Lungsod ng Santiago ng P7 dagdag-pasahe, na magtataas sa kasalukuyang minimum fare na P18 hanggang P25, kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang gastusin sa operasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, ang hepe ng Department of Public Order and Safety o DPOS Santiago, sinabi nito na umabot na sa ikatlong public hearing ang panukalang fare increase ngayong linggo, kung saan patuloy na tinatalakay ang kahilingan ng mga tricycle operators at drivers kasama ang iba pang stakeholder.

Ipinaliwanag ni Cabanos na pangunahing dahilan ng hirit na dagdag-pasahe ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, na direktang nakaaapekto sa araw-araw na kita ng mga tsuper.

Dagdag pa rito ang gastos sa maintenance at iba pang pangangailangan para mapanatili ang kanilang mga tricycle sa maayos na kondisyon.

--Ads--

Sinabi ni Cabanos na malaki ang posibilidad na maaprubahan ang panukalang P25 fare, ngunit kailangan pa rin itong dumaan sa kaukulang proseso bago tuluyang maipatupad.

Samantala, lumabas sa mga isinagawang konsultasyon na may pagtanggap ang mga pasahero sa panukalang dagdag-pasahe, partikular dahil nauunawaan nila ang epekto ng mataas na presyo ng petrolyo sa kabuhayan ng mga tricycle driver.

Gayunman, kasabay ng kanilang pag-unawa ay ang panawagan na maging mahigpit at patas ang pagpapatupad ng bagong pamasahe sakaling maaprubahan.

Ayon kay Cabanos, nais ng mga pasahero na maiwasan ang labis na paniningil at iba pang posibleng pang-aabuso ng ilang driver, upang matiyak na magiging maayos ang pagpapatupad ng fare increase.

Kapag naaprubahan, katumbas ito ng P7 o halos 39 % dagdag sa kasalukuyang minimum fare, isang dagdag-gastusin para sa mga commuter ngunit itinuturing namang kinakailangang hakbang ng mga driver upang matugunan ang lumalaking gastos sa kanilang operasyon.

Sa ngayon, P18 pa rin ang umiiral na minimum fare habang nagpapatuloy ang deliberasyon ng mga kinauukulang opisyal sa panukalang P25 na pamasahe.