Nanatiling maayos at walang naitalang malaking problema ang pagbubukas ng School Year 2026-2027 sa mga pampublikong paaralan na nasasakupan ng Department of Education (DepEd) Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jay Gallegos, Information Officer ng DepEd Isabela, base sa isinagawang masusing monitoring ng kanilang division monitoring teams mula Legislative District 1 hanggang District 6, generally smooth ang naging pagbubukas ng klase sa unang apat na araw ng pasukan at wala silang naitalang major issues o concerns.
Sa pinakahuling datos mula sa Planning Unit ng DepEd Isabela, umabot na sa 261,295 ang bilang ng mga nakapag-enroll na mag-aaral.
Aminado naman ang dibisyon na may ilang paaralan na nakaranas ng kakulangan sa silid-aralan at mga upuan bunsod ng pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral sa ilang eskwelahan.
Gayunman, agad umano itong natugunan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng inventory bago ang pagbubukas ng klase sa ilalim ng Brigada Eskwela, kabilang ang conversion ng ilang non-instructional rooms bilang pansamantalang classrooms upang ma-accommodate ang mga estudyante.
Nagsagawa rin ng augmentation ng mga armchair at iba pang kagamitan mula sa mga paaralang may sobrang resources patungo sa mga paaralang nakaranas ng kakulangan.
Pagdating naman sa implementasyon ng bagong three-term school calendar, sinabi ng opisyal na nakapagsagawa na ang DepEd Isabela ng serye ng orientation at training para sa mga school heads at guro upang maging handa ang mga ito sa bagong sistema.
Naglabas na rin umano ng mga memorandum ang dibisyon upang magsilbing gabay sa pagpapatupad ng opening block at instructional block ng bagong school calendar, dahilan upang wala silang matanggap na anumang major concern kaugnay sa implementasyon nito.
Samantala, muling iginiit ng DepEd Isabela ang mahigpit na pagpapatupad ng no collection policy sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Gallegos, anumang proyekto gaya ng pagbili ng electric fan, air conditioner, o iba pang pasilidad ng paaralan ay dapat manggaling sa inisyatiba ng Parent-Teachers Association o PTA.
Dagdag pa ni Gallegos, sakaling may matanggap na reklamo laban sa sinumang guro o kawani na umano’y nagre-require ng kontribusyon o proyekto, sasailalim muna ito sa imbestigasyon at due process upang matukoy ang katotohanan ng reklamo bago magpataw ng anumang kaukulang disciplinary action.










