CAUAYAN CITY – Inihayag ng guidance counselor na mabisang paraan para maiwasan ang depresyon ngayong Ber months at sa COVID-19 pandemic ang mga aktibidad na pangkalikasan at pag-aalaga ng mga halaman.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Maria Rosanna Acosta Dauigoy, guidance counselor at senior education program specialist ng Schools Division Office (SDO) Isabela na nagkakaroon ng epekto sa mga tao tuwing ber months na malamig ang panahon at hindi masyadong sumisikat ang araw.
Ito ay dahil ang sikat ng araw ay nakapagbibigay ng kaginhawaan sa katawan ng tao hindi lamang sa pisikal kundi gayundin sa psychological.
Dahil dito, pinapayuhan niya ang mga tao na lumabas at paarawan ang sarili dahil napatunayan na sa mga pag-aaral na ang sikat ng araw ay nakakabuti sa mental wellness ng tao.
Sa mga nakakaranas naman ng depresyon ay tingnan lamang ang kapaligiran, lumabas ng bahay at magpaaraw at kung kaya ay maghardin dahil batay sa pag-aaral, mayroong bacteria ang lupa na makakapagpaganda sa mood ng tao.
Bukod dito ay maglakad-lakad, umakyat sa mga bundok at pumunta sa lugar na maraming nakikitang berdeng kulay, magtungo sa mga ilog o di kaya ay mag-alaga ng mga halaman.

Gayunman, kung hindi makalabas ay buksan ang bintana ng bahay para makapasok ang sikat ng araw.
Kung ano aniya ang interes ng isang tao at makapagpapaligaya sa kanya ay dapat niyang gawin para maiwasan ang depresyon o kalungkutan.











