Ramdam na rin ng mga vendors sa palengke ng Santiago City ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, na malaki ang epekto sa presyo ng kanilang mga paninda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Betty Federico, isa sa mga meat vendor sa palengke, sinabi niya na biglaan ang pagtaas ng presyo ng karne ng baboy mula sa kanilang supplier.
Aniya, mula sa dating P165–P170 kada kilo ng live weight, umaabot na ngayon sa P295 ang presyo ng karne sa kanila mula sa mga ahente, na lubhang nakaapekto sa kanilang puhunan at kita bilang mga retailers.
Dahil dito, hirap silang sundin ang P300 na suggested retail price (SRP), at ang tanging kaya lamang nilang itakda ay P270 kada kilo upang mahikayat pa rin ang mga mamimili.
Ayon kay Federico, malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, lalo na sa transportasyon at logistics na ginagamit sa pagdala ng mga karneng ibinibenta sa pamilihan. Dagdag pa niya, kapag patuloy ang ganitong sitwasyon, posibleng mas lumobo pa ang presyo ng karne sa mga susunod na linggo.
Umaasa ang mga vendors na magkaroon ng malinaw na pag-uusap sa pagitan ng lokal na pamahalaan, mga supplier, at mga retailers upang mapag-aralan at mapagkasunduan ang tamang presyo ng karne na isang presyo na makakabuti sa lahat ng sektor.
Sa pamamagitan ng ganitong koordinasyon, maaaring maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo sa merkado at mapanatili ang abot-kayang presyo para sa mga mamimili, habang protektado rin ang kita ng mga vendors.











