--Ads--

Ipinakita ng mga kaanak ng kinoronahang Mutya ng Cauayan 2025 na suportado nila ito sa larangan ng pagrampa o sa pagiging propesyonal na nurse nito.

Matatandaang kinoronahan bilang Mutya ng Cauayan 2025 si Bb. Sandrine Desiree Cristobal ng Brgy. Labinab, Cauayan City kung saan sa pangalawang pagsabak nito sa naturang event ay matagumpay niyang naiuwi ang titulo.

Bukod sa major award ay nakuha rin ni Bb. Sandrine ang People’s choice award, Best in swimsuit, at ilan pang award mula sa mga sponsor ng programa.

Kaugnay nito ay ramdam naman ang labis na suporta ng kanyang pamilya.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Elizabeth Cristobal, tita ni Bb. Sandrine, sinabi niya na noon pa lamang ay labis na silang napapabilib ng dalaga sa angking talino at ganda nito.

Aniya, matagal nang sumasabak sa pagrampa ang dalaga at lagi itong nakakapag-uwi ng karangalan.

Bukod dito ay mas lalo pa aniya silang napahanga dahil kinaya ng dalaga na pagsabayin ang kanyang pagsali sa pageant at ang kanyang tungkulin bilang nurse.

Noong una pa man ay hindi na sila nagduda sa kakayahan ni Sandrine lalo na at isa siya sa mga pride ng kanilang pamilya.

Dagdag pa nito, lahat ng suporta ay kanilang ibibigay lalo na ang dalangin para sa kanyang magandang kinabukasan.

Sa ngayon ay paghahandaan naman aniya ng dalaga ang mga susunod pang pagsabak nito sa entablado at inaasahan na dumating ang pagkakataon na irerepresenta na niya ang Pilipinas sa Miss Universe.