Bukas umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipagkasundo sa mga Duterte.
Sa podcast interview ng Pangulo, sinabi nito na ayaw na niya ng gulo, gusto na lamang niyang makasundo ang lahat ng tao at hindi na niya kailangan ang kaaway.
Hanggang maaari aniya ang habol niya ay stability at peaceful para magawa ang kanilang trabaho at lagi naman siyang bukas sa ibang pamamaraan para magkatulungan.
Kahit hindi aniya sila magkasundo sa polisiya ay basta magkatulungan sa programang pakikinabangan ng mga Pilipino.
Aminado ang Pangulo na nagsawa na ang publiko sa ingay sa politika kaya kahit ginawa na ang lahat para sa eleksyon ay mayroon pa ring mga natalo sa halalan.
Dismayado rin umano ang mga tao sa serbisyo ng gobyerno dahil hindi nila ito maramdaman dulot ng masyadong mabagal na galaw ng mga proyekto.
Sinabi ng Presidente na hindi nabigyan ng sapat na atensyon ang mga mas maliit na bagay upang maging maginhawa ang pang-araw-araw na buhay ng tao tulad na lamang ng pila sa tren, traffic at iba pa kaya’t ito ang tututukan ngayon ng gobyerno pagkatapos ng eleksyon.