--Ads--

Seryosong pinag-iisipan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso.

Inihayag ito ni Bataan 2nd District Rep. Albert Garcia sa plenary deliberations ng Kamara kaugnay ng panukalang 2027 budget ng Office of the President.

Ayon kay Garcia, maaaring magkaroon ng opisyal na anunsyo tungkol dito sa mga susunod na araw.

Tinanong ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago ang Office of the President tungkol sa hakbang upang matiyak ang agarang paglaya ni Veloso, na mahigit 16 na taon nang hiwalay sa kaniyang pamilya.

--Ads--

Sinabi ni Garcia na isinasaalang-alang ang absolute pardon sa humanitarian grounds at bilang bahagi ng commitment ng pamahalaan na protektahan ang mga migranteng Pilipino.

Samantala, hinimok ni Elago na dapat kaakibat ng naturang hakbang ang pagpapalakas ng kampanya laban sa human trafficking at proteksyon sa migrant workers, gayundin ang paglikha ng mas maraming trabahong may sapat na sahod sa bansa.

Si Veloso ay matagal na nakulong sa Indonesia matapos mahatulan ng kamatayan kaugnay ng drug trafficking case. Noong Disyembre 2024, nakabalik siya sa Pilipinas at kasalukuyang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong.