Nagpatawag ng pagpupulong ang Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) kasama ang mga kinatawan ng kapulisan at iba pang sektor upang talakayin ang mga hakbang na magtitiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro sa mga paaralan sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ysmael Atienza Sr., Chairman ng Isabela Anti-Crime Task Force, sinabi nito na isinagawa ang pagpupulong bilang paghahanda at pag-iingat upang hindi maranasan sa Isabela ang mga insidenteng naganap sa ibang lugar na kinasasangkutan ng mga estudyante at mga kawani ng paaralan.
Aniya, kabilang sa mga tinalakay ang pagpapatuloy ng mahigpit na pagbabantay sa mga paaralan at ang posibilidad na maipatupad ang ilang security measures upang matiyak na walang mapanganib na kagamitan ang maipapasok sa loob ng mga eskwelahan.
Bagama’t wala pa umanong naitatalang insidente sa Isabela kaugnay ng pagdadala ng mga armas o iba pang mapanganib na kagamitan ng mga estudyante sa mga paaralan, sinabi ni Atienza na mahalaga pa ring manatiling alerto ang mga awtoridad lalo na ngayong nagsimula na ang panibagong school year.
Dagdag pa niya, plano rin nilang ibahagi sa iba pang bayan sa lalawigan ang mga programang ipinatutupad sa Cauayan City upang maging gabay sa pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad sa iba pang lugar.
Ayon pa sa Chairman, nakatakdang magsagawa ng panibagong pagpupulong sa mga susunod na araw kung saan muling tatalakayin ang mga hakbang na dapat gawin ng iba’t ibang ahensya upang maiwasan ang anumang banta sa seguridad ng mga paaralan.
Binigyang-diin ni Atienza na mahalaga ang pagtutulungan ng lahat ng sektor upang mapanatiling ligtas ang mga mag-aaral at maiwasan ang anumang insidenteng maaaring makasagabal sa kanilang pag-aaral.










