--Ads--

Personal na inabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P100 milyong tulong-pinansyal sa pamahalaang lungsod ng General Santos City sa kanyang pagbisita sa Mindanao kasunod ng malakas na lindol na tumama sa rehiyon.

Tinanggap ni General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao ang naturang pondo na gagamitin sa pagpapaayos ng nasirang gusali ng City Hall. Ayon sa Pangulo, magmumula ang pondo sa Local Government Support Fund (LGSF).

Inanunsyo rin ni Marcos na makatatanggap ng tig-P50,000 ayuda ang bawat pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa lindol.

Batay sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 45 ang bilang ng mga nasawi sa kalamidad.

--Ads--

Nangako rin ang Pangulo ng karagdagang tulong-pinansyal para sa mga lokal na pamahalaan ng Sarangani at South Cotabato upang magamit sa pagkukumpuni ng mga nasirang imprastraktura. Gayunman, hindi pa niya tinukoy ang eksaktong halaga ng pondong ilalaan para rito.

Sa kanyang pagbisita sa General Santos City, inatasan din ni Marcos ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na pabilisin ang paghahatid ng ayuda at ang rehabilitasyon ng mga nasirang pasilidad at imprastraktura.

Tiniyak din ng Pangulo na aktibong tumutulong ang National Housing Authority (NHA) sa mga guro at residenteng nasiraan ng bahay dahil sa lindol.

Bukod sa relief goods, pagkain, at serbisyong medikal, tiniyak ng pamahalaan ang pagkakaloob ng tulong-pinansyal sa mga manggagawang naapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng mga establisimyento sa ilalim ng sistemang “no work, no pay.”

Ipamamahagi ang naturang ayuda sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Iniutos din ng Pangulo ang agarang pagsusuri sa mga napinsalang gusali upang matukoy kung maaari nang maibalik ang mga ito sa normal na operasyon. Pinabibilis na rin ng mga awtoridad ang paglilinis at pagbubukas ng mga kalsadang naapektuhan ng landslide at iba pang pinsala upang mapadali ang pagpasok ng mga sasakyang may dalang ayuda.

Kasabay nito, puspusan din ang pagsisikap ng mga ahensya ng gobyerno na maibalik ang suplay ng kuryente at tubig sa mga apektadong komunidad.

Umaasa ang Pangulo na hihinto na ang mga aftershock upang tuluyang makapagpatuloy ang clearing, relief, at recovery operations sa mga lugar na sinalanta ng lindol.