--Ads--

Nagsagawa ng groundbreaking ceremony ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa itatayong bagong provincial office nito sa Lungsod ng Ilagan bilang bahagi ng pinalakas na kampanya kontra ilegal na droga sa lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PDEA Director General Usec. Isagani Nerez na ikinagagalak ng ahensya ang patuloy na pagiging drug-cleared Ilagan City sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Josemarie Diaz.

Nagpasalamat din si Nerez sa lokal na pamahalaan ng Ilagan sa ibinigay nitong suporta, kabilang ang lupang pagtatayuan ng bagong tanggapan ng PDEA.

Ayon sa kanya, malaking tulong ang pagkakaroon ng permanenteng opisina upang mapanatili ang kaayusan at maipagpatuloy ang layuning mapanatiling drug-free ang lungsod at maging ang buong lalawigan.

--Ads--

Binigyang-diin din ng opisyal na tuloy-tuloy ang kanilang demand reduction at supply reduction strategies upang mapigilan ang pagpasok at pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad.

Aniya, hindi magiging matagumpay ang kampanya kontra droga kung wala ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, lalo na ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).

Paliwanag niya, mahalaga ang papel ng BADAC sa pagtukoy sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga na nagsisilbing batayan ng mga operasyon ng mga awtoridad.

Dagdag pa ni Nerez, mahalaga ang “whole-of-nation approach” sa anti-drug campaign kung saan kinakailangan ang pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan upang mabawasan ang kaso ng drug addiction sa bansa.

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Diaz sa PDEA sa pagpapatayo ng provincial office sa lungsod.

Sinabi rin niya na patunay ito ng magandang ugnayan at pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga national government agencies.