Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakalabas na ng bansa si Joselyn Serenio, personal assistant ni dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez, bago pa man mailabas ang Hold Departure Order (HDO) ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong plunder na kanilang kinahaharap.
Ayon kay BI spokesperson Anisha Hassan, si Serenio at dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co ay nasa labas na ng bansa bago inilabas ang HDO noong Setyembre 7.
Samantala, nananatili naman sa Pilipinas sina Romualdez at Felicito Cristobal Guevarra, na kabilang din sa mga akusado sa kaso.
Ang apat ay nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng umano’y P7.4 bilyong kickback mula sa mga proyekto sa imprastraktura at flood control ng pamahalaan.
Kinumpirma rin ng BI na natanggap at ipinatutupad na nito ang HDO laban sa mga akusado at tiniyak na patuloy itong magpapatupad ng kaukulang immigration measures alinsunod sa kanilang mandato.
Sa kabilang banda, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nakikipag-ugnayan na ito sa mga international law enforcement partners upang matunton at maaresto si Serenio, habang nagpapatuloy naman ang manhunt operations laban kay Guevarra.










