--Ads--

Sang-ayon ang Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) sa pananaw ni President Elect Bongbong Marcos na paggamit ng Nuclear Energy bilang alternatibong source ng kuryente sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Carlo Arcilla, director ng PNRI, sinabi niya na dalawang pangulo na ng bansa ang nagpahayag ng kagustuhang gumamit ng Nuclear Energy.

Ayo kay Dr. Arcilla, kailangan nang buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant dahil nahihirapan na ang Pilipinas sa kakulangan ng supply ng kuryente.

50% ng kuryente sa bansa ay mula sa coal na inaangkat pa sa Indonesia habang ang nalalabing 50% ay mula sa Malampaya Gas.

--Ads--

Iginiit ni Dr. Arcilla na kailangan ngayon ng bansa ang energy security dahil sa pinapangambahang kakulangan ng tustos ng kuryente kung mawawala ang energy source ng bansa.

Maliban sa Nuclear Power Plant ay wala ring nakikitang masama ang PNRI  kung susubukan ng bansa ang gumamit ng Solar Energy gayunman mabababa ang availability factor nito na maaaring maglaro lamang sa 20%.

Aminado ang PNRI na kahit paandarin ang Bataan Nuclear Power Plant ay hindi pa rin sasapat upang maibsan ang nararanasang mataas na presyo ng kuryente ngunit maaaring gumamit ng small modular nuclear reactors na mas mura, mas matipid at mas simple ang construction.

Isa pang bentahe sa paggamit ng Nuclear Energy ay maaari itong mailagay sa mga lugar na walang Grid at mahal ang presyo ng kuryente tulad sa Palawan at Catanduanes.

Panawagan ni Dr. Arcilla na pagbigyan ang bagong presidente ng bansa na masubukan ang kagandahan ng paggamit ng Nuclear Power.