Mahigpit na binabantayan ng pamahalaan ang mga mineral resources ng bansa at pagpasok ng mga dayuhan mula sa China kasunod ng ulat na may itinayong estruktura ang China sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines para sa WPS, mino-monitor ng gobyerno ang pagkuha ng mga rare earth minerals at black sand na umano’y ginagamit sa reclamation activities ng China. Aniya, ang ilan sa mga materyales ay maaaring nagmumula mismo sa mga lugar na sakop ng Pilipinas.
Sinabi rin ni Trinidad na pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga hakbang upang mas mahigpit na maregula ang dredging at pagmimina ng black sand, lalo na sa mga lugar kung saan may ulat ng pakikipag-ugnayan ng mga Chinese entities sa mga lokal na pamahalaan para sa naturang mga operasyon.
Samantala, naghain na ang Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China kaugnay ng umano’y floating platform sa Bajo de Masinloc. Pinag-aaralan din ng gobyerno ang posibilidad na magsampa ng panibagong arbitration case laban sa China dahil sa patuloy na mga insidente sa West Philippine Sea.










