--Ads--

Naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China matapos makitang may mga floating platform sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ginawa lamang ng Pilipinas ang nararapat sa pamamagitan ng paghahain ng naturang diplomatic protest. Hindi na nagbigay ang DFA ng karagdagang detalye dahil ito ay itinuturing na confidential.

Samantala, sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea na si Rear Admiral Jay Tarriela na ang mga floating platform ay unang nadiskubre sa pamamagitan ng satellite imagery at maritime domain awareness operations ng PCG noong Mayo.

Batay sa ulat, tinatayang may nasa 30 square meters ang deck area ng mga platform at may sukat na humigit-kumulang lima hanggang pitong metro ang haba. May nakita rin umanong ilang Chinese personnel sa lugar noong Mayo 30.

--Ads--

Noong Mayo 31, iniulat din na mas lumalim pa ang presensya ng naturang platform sa Bajo de Masinloc, at ito ay tinutulungan umano ng isang barko ng China.