Napigilan ng mga awtoridad ang isa pang posibleng pag-atake sa isang paaralan sa Leyte matapos makatanggap ng impormasyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) mula kay Sen. Bam Aquino kaugnay ng banta na kumalat online kasunod ng madugong pamamaril sa Tacloban City noong Lunes.
Sa isang press briefing, sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na nakatanggap siya ng tawag mula kay Sen. Aquino nitong Miyerkules ng gabi tungkol sa umano’y planong mass shooting sa Leyte. Agad naman itong ipinasa sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group.
Ayon sa DILG, ang banta ay nakatuon sa Tolosa National High School at nagmula umano sa isang 14-anyos na Grade 10 student na gumawa ng maraming Facebook account upang mag-post ng mga mensaheng nagbabanta ng pamamaril o pananaksak sa paaralan.
Natukoy ng mga imbestigador ang estudyante sa pamamagitan ng pagsusuri sa social media at impormasyon mula sa mga concerned citizens. Kalaunan ay binura rin umano ng estudyante ang mga post matapos siyang makontak ng mga awtoridad.
Gayunman, sinabi ni Remulla na walang natagpuang ebidensya na may access ang suspek sa baril o may kasabwat siya sa anumang organisadong plano. Sa ngayon, itinuturing ng mga awtoridad na neutralized na ang banta habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nanawagan naman ang DILG sa publiko na agad iulat sa 911 ang anumang banta ng karahasan o posibleng mass shooting upang maagapan ang mga insidente bago pa ito magdulot ng pinsala.











