--Ads--

 Nagpahayag ng pagkabahala ang Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City kaugnay sa panibagong insidente ng pambubugbog na nauwi sa pagkamatay ng isang residente sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pillarito Mallillin, sinabi nitong matagal nang napag-uusapan sa kanilang mga pagpupulong ang pagpapatupad ng curfew sa mga restobar kung saan alas-2 ng madaling araw ang napagkasunduang oras ng operasyon.

Ayon kay POSD Chief Mallillin, ilang beses na rin nilang binalaan ang naturang restobar subalit patuloy pa rin umano itong lumalabag sa mga alituntunin.

Aniya, dapat umanong maging disiplinado at responsable ang mga namamahala sa mga restobar lalo na sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad ng kanilang mga customer.

--Ads--

Dagdag pa nito, hindi lamang mga tanod, pulis o POSD personnel ang dapat kumikilos sa ganitong sitwasyon dahil may pananagutan din umano ang mga empleyado sa pagprotekta sa kanilang mga costumer.

Sinabi rin ng opisyal na magpapatawag sila ng panibagong pagpupulong kasama ang mga may-ari at namamahala ng mga restobar upang talakayin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa at maiwasan na ang kahalintulad na insidente.

Samantala, nahuli na rin ang isa sa mga suspek at kasalukuyan ng nasa kustodiya ng pulisya habang patuloy pang pinaghahanap ang dalawang suspek. Tiniyak ng opisyal na anumang oras ay maaari nang maaresto ang mga ito.

Panawagan din nito sa mga sangkot na sumuko na lamang upang matulungan pa umano silang mapagaan ang kanilang magiging kaso.

Bukod dito, sinabi rin ni POSD Chief Mallillin na pinaghahandaan na rin ng kanilang tanggapan ang monitoring sa nalalapit na Brigada Eskwela kabilang na ang pagtutok sa pagtanggal ng mga obstruction sa mga lansangan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase.