--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakakaranas ng kakulangan ng supply ng dugo ang Philippine Red Cross (PRC) Isabela Chapter dahil sa pangangailangan ng mga pasyente.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Chapter Service Representative Joyce Kristine Mye Blas Quilang ng Blood Services ng PRC Isabela na nagkukulang ngayon ang dugo dahil sa madalang na pagsasagawa ng blood letting activity.

Aabot din sa lima hanggang anim na pasyente bawat araw ang humihingi ng dugo sa PRC Isabela.

Pangunahing nangangailangan ng dugo ay ang mga sumasailalim sa dialysis, mayroong anemia, mga nanganganak at mga naaksidente.

--Ads--

Upang matugunan ang pagkukulang ng dugo ay tumatanggap sila ng donors kapalit ng mga hinihinging dugo upang magkaroon ng reserba sa mga nangangailangan.

Tinitiyak anya nila na hindi mawawalan ng dugo ang RPC Isabela at nakakakolekta sila ng tatlo hanggang limang bags ng dugo sa bawat  araw.

Kinokontak din nila ang mga regular donors matapos ang tatlong buwan upang muling makapag-donate.

Sa mga walk-in donors ay sumasailalim sa screening ang mga hindi bakunadong donors habang ang iba ay hinahanapan ng vaccination cards.

Samantala, inihayag pa ni Quilang na nakakabahala na ang tawag na natatanggap nila mula sa mga PRC Chapter Blood Banks na pagkukulang ng dugo pangunahin na ang  blood platelets na isinasalin sa mga maysakit ng dengue at anemia.

Kapag mayroong nangangailangan ng blood platelets ay nirerefer nila sa  blood centers  sa Nueva Vizcaya at Tuguegarao City.