CAUAYAN CITY – Bumagsak pa sa tatlong piso ang kada kilo ng kamatis at umbok sa bayan ng Ambaguio, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Bayan Member Ferdinand Balagsa ng Ambaguio, sinabi niya na talagang mababa na ngayon ang presyo ng kamatis at iba pang gulay.
Ang ibang magsasaka ay mas pinipili na lang itapon ang kanilang produkto dahil hindi na nabebenta ang mga ito sa dami ng suplay.
Aniya nagkasabay-sabay ang pag-ani ng mga magsasaka kaya dagsaan ang suplay sa NVAT.
Hindi lamang sa kanilang bayan nanggagaling ang mga gulay dahil may mga nagmumula pa sa lalawigan ng Ifugao.
Aniya kakabigay lamang ng pamahalaang lokal ng mga seedlings ng kamatis sa mga apektadong magsasaka sa mga nagdaang kalamidad ngunit tiniyak ni SB Member Balagsa ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka lalo na ang mga nagtatanim ng kamatis at umbok.
Ilang beses na rin aniya nilang naranasan ang ganitong sitwasyon na epekto ng sabay-sabay na pagtatanim ng mga magsasaka.
Ayon kay SB Member Balagsa, magandang presyo na ang 20 pesos per kilo ng nasabing produkto upang maibalik lamang ang kanilang puhunan.











