--Ads--

Tumaas ng mahigit 2% ang presyo ng langis sa global market at naabot ang pinakamataas nitong antas sa loob ng apat na linggo kasunod ng panibagong paglala ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Batay sa ulat, umakyat sa halos 85 dollar kada bariles ang presyo ng Brent crude habang lumapit naman sa 80 dollar kada bariles ang US West Texas Intermediate crude.

Nagdulot ng pangamba sa suplay ng enerhiya ang muling pagpapatupad ng Estados Unidos ng naval blockade laban sa Iran at ang nagpapatuloy na mga pag-atake ng magkabilang panig sa Strait of Hormuz.

Lalo pang tumaas ang tensyon matapos tamaan ng missile attack ang dalawang oil tanker ng United Arab Emirates sa karagatang sakop ng Oman na ikinasawi ng isang tripulanteng Indian at ikinasugat ng walong iba pa.

--Ads--

Patuloy rin ang mga opensibang militar ng Estados Unidos laban sa Iran habang nagbabala ang mga analyst na maaaring magdulot ng karagdagang pagtaas sa presyo ng langis ang anumang pagkagambala sa pagdaloy ng suplay mula sa Gitnang Silangan.