Sinabi ng Department of Energy (DOE) na posibleng hindi na bumalik sa P60 kada litro ang presyo ng diesel sa bansa dahil sa matinding pinsalang dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, nananatiling hindi tiyak ang sitwasyon sa rehiyon, at maaaring matagalan ang pagkukumpuni ng mga pasilidad ng langis kahit pa humupa ang tensyon.
Noong unang bahagi ng Marso, tinamaan ang malaking Pars gas field ng Iran—ang bahagi ng pinakamalaking deposito ng natural gas sa mundo na kahati nito ang Qatar sa unang naiulat na pag-atake sa energy infrastructure ng Iran sa Gulf sa gitna ng digmaan ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.
Ayon sa ulat, naapektuhan ang mga tangke ng gas at ilang bahagi ng refinery. Inilikas ang mga manggagawa sa ligtas na lugar habang patuloy ang operasyon ng mga emergency crew upang apulahin ang sunog.
Iniulat naman sa Israeli media na ang pag-atake ay isinagawa ng Israel na may pahintulot ng Estados Unidos.
Samantala, ang pagkaantala sa mga shipment ng langis sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang ruta ng pagtransport ng langis sa mundo ay nagdulot din ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa sa mga nakaraang linggo.
Gayunpaman, sa unang pagkakataon mula nang magsimula ang sigalot noong huling bahagi ng Pebrero, inaasahang bababa ang presyo ng diesel ng hanggang P10.80 kada litro at gasolina ng hanggang P1.50 kada litro ngayong linggo.
Ang inaasahang pagbaba ng presyo ay kasunod ng dalawang linggong tigil-putukan na napagkasunduan ng Estados Unidos at Iran.











