Inihayag ng Cauayan City Water Refilling Station Association (CCWRSA) ang pagsasaayos ng presyo ng tubig sa mga water refilling station sa lungsod na epektibo simula Lunes, Marso 16, 2026.
Batay sa inilabas na abiso ng asosasyon, kinakailangan ang pagtaas ng presyo dahil sa patuloy na pagtaas at hindi matatag na presyo ng produktong petrolyo na nakaaapekto sa operasyon ng mga water refilling station, lalo na sa gastos sa transportasyon at delivery.
Sa ilalim ng bagong price schedule, ang pick-up price ay magiging ₱30 kada galon. Samantala, ang delivery rates ay nakadepende sa kasalukuyang presyo ng gasolina kada litro. Magiging ₱35 kung ang gasolina ay nasa ₱65 hanggang ₱75 kada litro, ₱40 kung nasa ₱76 hanggang ₱85, ₱45 kung nasa ₱86 hanggang ₱95, at ₱50 naman kung nasa ₱96 hanggang ₱105 kada litro.
Gayunman, sa pakikipag-panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Michelle Manliclic, isang may-ari ng water refilling station sa lungsod, bagama’t nakasaad sa memo na epektibo na ngayong araw ang bagong presyo, hindi muna umano sila agad magtataas.
Aniya, nais muna nilang ipaalam sa kanilang mga consumer ang naturang pagbabago upang hindi mabigla ang mga ito sa pagtaas ng presyo.
Dagdag pa ni Manliclic, nauunawaan nila ang hirap ng buhay ng maraming mamamayan kaya hangga’t maaari ay nais pa rin nilang makatulong sa kanilang mga suki bago ipatupad ang pagtaas ng presyo ng tubig.
Samantala, umaasa naman ang asosasyon sa pang-unawa ng publiko sa naturang hakbang upang maipagpatuloy pa rin ng mga water refilling station ang pagbibigay ng malinis at ligtas na inuming tubig sa komunidad.











