--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Police Regional Office 2 (PRO2) na sinampahan ng patung-patong na kaso sa Provincial Prosecution Office sa  Nueva Vizcaya ang isa sa mga suspek sa pagpaslang kay Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at limang iba pa.

Ito ay batay sa impormasyong inilabas ng Special Investigation Task Group (SITG) Alameda na binuo ng PRO2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj. Sharon Mallillin, tagapagsalita ng PRO2 na isinampa ang mga kasong 6 counts of Murder, Obstruction of Justice at paglabag sa Republic Act 8749 (Philippine Clean Air Act) laban kay alyas “Bong”, nasa hustong gulang at residente ng Luna, Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Napag-alaman ng mga awtoridad na si alyas “Bong” ang tunay na may-ari ng puting Mitsubishi Adventure na nagsilbing get-away vehicle ng mga suspek.

--Ads--

Ito rin ang itinuturong nasa likod ng pagsunog sa nasabing sasakyan na natagpuan sa Agrarian Reform Community Road, Uddiawan, Solano, Nueva Vizcaya isang araw matapos ang naganap na pananambang.

Samantala, isang residente ng Sta. Rosa, Nueva Ecija ang tumestigo na nasa paligid ng bahay ni alyas “Bong” ang ginamit na sasakyan ilang araw bago mangyari ang krimen.

Si alyas “Bong” din ang lumabas na may-ari ng sasakyan batay sa forensic examination ng Nueva Vizcaya Provincial Forensic Unit at sa pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO).

Umaasa ang PNP Region 2 na ang pagkakatukoy kay alyas “Bong” ang magbibigay-daan upang matukoy din ang pagkakakilanlan ng iba pang mga pinaghihinalaan pangunahin na ang mga gunmen.

Matatandaang tinambangan ang sasakyan ni Aparri Vice Mayor Alameda lulan ang lima pang indibidwal sa Purok 5, Sitio Kinakao, Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya noong February 19, 2023.

Kabilang sa mga nasawi sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, Abraham Dela Cruz Ramos Jr., pawang  residente ng Minanga, Aparri, Cagayan at John Duane Banag Alameda, residente ng Centro 14, Aparri, Cagayan at Ismael Nanay Tumaru, residente ng Maura, Aparri, Cagayan.

Tinig ni PMaj. Sharon Mallillin.