--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinayuhan ng Philippine Statistics Authority o PSA Isabela ang mga National ID card Holders na may problema sa status ng physical card ng kanilang issued National ID tulad ng pagkabakbak ng litrato na magtungo sa pinakamalapit na registration center upang maghain ng ID replacement.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Julius Emperador ng PSA Isabela sinabi niya na walang dapat ikabahala ang mga National Id card Holders na may problema sa estado ng kanilang physical card dahil maaari silang dumulog sa PSA regional office para ibalik ang ID upang magawan ng paraan at maayos.

Makakatiyak naman aniya ang mga magbabalik ng ID na makukuha nila ang bagong ID sa loob ng dalawang linggo.

Paliwanag niya na maaaring dahil sa materyal na ginamit ang dahilan kaya madaling nabakbak ang physical card.

--Ads--

May ilang mga nagreklamo naman na aniya na dumulog sa kanilang tanggapan at naghain ng ID replacement ang nakatanggap na ng bagong ID.

Maliban sa nababakbak o sira sa physical card tinatanggap din nila ang iba pang mga problema tulad ng malabong imprinta, maling spelling at iba pang Card defects.

Bilang alternatibo  habang wala pa o ginagawa pa ang physical card o replacement Card ay maaaring bigyan pansamantala ng PSA ng E-Phil ID ang card holder na nagrereklamo o naghain ng card replacement.

Pinayuhan niya ang lahat na huwag ipagkatiwala ang kanilang transaction slip dahil ito ang pagbabasehan para sa ID card replacement.

Samantala sa ngayon ay nasa Pitong daang libo o katumbas ng 70% mula sa kabuuang 1.2 million registrants para sa National ID ang nakatanggap na ng Physical cards.