Nagtapos sa red territory ang Philippine stock market ngayong linggo matapos i-digest ng mga investor ang panibagong interest rate hike ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Bumaba ng 18.31 points o 0.30 % ang main PSEi upang magsara sa 6,135.35, habang ang mas malawak na All Shares index ay bumagsak ng 12.64 points o 0.37 % sa 3,380.77.
Ayon sa market analyst, naapektuhan ang merkado dahil sa 25 basis points na pagtaas ng policy rate ng BSP, na nagdulot ng inaasahang pagtaas ng fixed-income yields at pagliit ng atraksyon ng equities sa mga investor.
Ang BSP ay nagtaas ng interest rates bilang tugon sa patuloy na inflationary pressures na dulot ng mataas na presyo ng langis at fertilizers sa pandaigdigang merkado.
Halos lahat ng sectoral indices ay nagtala ng pagbaba, kung saan pinakamalaki ang bagsak sa mining and oil sector.
Umabot sa higit 1.32 bilyong shares ang na-trade, na may kabuuang halagang ₱11.175 bilyon, habang mas marami ang mga nag-decline kaysa sa mga nag-advance sa merkado.










