--Ads--

Isang off-duty na pulis ng Angadanan ang mabilis na rumesponde at nakapigil sa posibleng malaking trahedya matapos masunog ang isang sasakyan sa loob ng isang gas station sa Brgy. Alibagu, City of Ilagan, Isabela, nitong umaga ng Abril 20.

Ayon sa ulat, bandang 7:30 ng umaga ay pauwi na si PMSg Kennedy Tungpalan, Patrol PNCO ng Angadanan Police Station, matapos niyang samahan ang kanyang asawa sa Physical Fitness Test (PFT) sa Isabela Police Provincial Office nang mapansin niya ang kaguluhan sa gilid ng kalsada.

Sa kanyang paglapit, tumambad sa kanya ang isang sasakyan na nasusunog habang nasa loob ng Rite Fuel gas station. Dahil sa agarang panganib ng posibleng pagsabog, mabilis siyang kumilos at inutusan ang mga tao sa paligid na lumayo mula sa pinangyarihan.

Walang pag-aalinlangan, ginamit ni PMSg Tungpalan ang fire extinguisher ng gas station at personal na pinatay ang lumalaking apoy. Dahil sa kanyang mabilis na aksyon, agad na naapula ang sunog bago pa ito lumala at walang naiulat na nasaktan sa insidente.

--Ads--

Ayon sa driver ng sasakyan, hindi niya agad napansin na may apoy na sa kanyang unit at papasok na sana siya sa gas station nang mangyari ang insidente. Nagpasalamat siya sa pulis na rumesponde

Nagpahayag din ng pasasalamat ang pamunuan ng RITE FUEL sa maagap na aksyon na nakapigil sa posibleng mas malalang insidente.

Sa kabila ng pagiging off-duty, ipinakita ni PMSg Tungpalan ang dedikasyon sa serbisyo publiko at mabilis na pagtugon sa oras ng pangangailangan.

Ayon sa kanya, patuloy niyang isinasabuhay ang paalala sa hanay ng PNP na ang tunay na paglilingkod ay hindi natatapos sa oras ng duty, kundi isang paninindigan sa anumang oras ng pangangailangan.

Samantala, pinuri ni PMAJ Francisco D. Liwag, Chief of Police ng Angadanan Police Station, ang ipinakitang kabayanihan ng kanilang tauhan.

Dahil sa mabilis na pagresponde ni PMSg Tungpalan, naiwasan ang mas malawak na pinsala at muling napatunayan ang kahandaan ng kapulisan sa pagharap sa emerhensiya.