--Ads--

Patuloy ang isinasagawang pursuit operation ng 50th Infantry (Defender) Battalion at 98th Infantry (Masinag) Battalion laban sa natitirang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) na kanilang nakasagupa sa Barangay Bonglo, Licuan-Baay, Abra.

Sa huling sagupaan, nasawi ang tatlong miyembro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC), at narekober ng militar ang mga labi ng mga ito na iniwan na umano ng kanilang mga kasamahan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Maj. Eduardo “Ed” Rarugal, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, sinabi niya na hindi pa maibaba ang mga labi ng mga nasawing rebelde dahil kinakailangan ang airlift gamit ang helicopter mula sa kabundukan.

Aniya, hindi pa ito maisagawa dahil sa masamang lagay ng panahon sa lugar. Dagdag pa niya, mahirap ding ibaba nang manu-mano ang mga labi dahil sa matarik at mapanganib na lokasyon ng pinangyarihan ng engkuwentro.

--Ads--

Ayon kay Maj. Rarugal, hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawing rebelde, na pawang mga lalaki. Gayunman, batay sa paunang impormasyon mula sa mga sundalong nasa operasyon, hindi umano mga residente ng Region 2 ang mga ito.

Maliban sa mga narekober na labi ng mga rebelde, nakarekober din ang militar ng dalawang M16 rifles, isang M14 rifle, mga bandolier, at mga bala.

Sa mga naunang engkuwentro, may isa na ring nasawing miyembro ng rebeldeng grupo na narekober ng militar.

Samantala, muling nanawagan si Maj. Rarugal sa mga natitirang miyembro ng rebeldeng grupo na boluntaryong sumuko at samantalahin ang mga programang iniaalok ng pamahalaan para sa kanilang pagbabagong-buhay at pagbabalik sa normal na pamumuhay.

Aniya, bukas ang pamahalaan sa mga nais magbalik-loob at handang tumulong upang makapagsimula silang muli kasama ang kanilang mga pamilya at maging bahagi ng mapayapang pamayanan.