--Ads--

CAUAYAN CITY – Ibinahagi ng No. 3 National level sa katatapos na Criminologist Licensure Examination na mula sa Baggao, Cagayan ang sikreto sa pagtatop niya sa naturang pagsusulit.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Fernando Abanto, No. 3 National level sa Criminologist Licensure Examination na hindi niya maipaliwanag sa salita ang kanyang kasiyahan nang mapag-alaman na isa siya sa mga nanguna sa naturang pagsusulit.

Aniya, hindi niya inasahan na makakapasa siya at magtop gayunman ay ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para mapabilang sa topnotchers.

Ayon sa kanya, sobrang hirap ang ginawa nilang paghahanda at tinutukan talaga sila ng kanilang paaralan para magreview.

--Ads--

Nag-in-house review din sila at nakatutok lang sila sa pagrereview sa loob ng anim na buwan.

Naging sikreto naman niya ang kanyang rosaryo at pananalangin para mapalapit sa Diyos at pumasa at magtop pa sa Criminologist Licensure Examination.

Aniya, noong nasa kolehiyo siya ay naging scholar siya ng Commission on Higher Education at Overseas Workers Welfare Administration kaya hindi niya masyadong ramdam ang pagkukulang sa pinansyal na aspeto dahil sila ang nagbabayad ng kanyang tuition at mayroon ding ibinibigay na allowance.

Nagsikap naman siya at ginawa ang lahat ng kanyang makakaya kaya nagtapos siya bilang Cum laude.

Ayon pa kay Abanto, pagtuturo ang pangarap niya noon pero nang magtapos siya ng senior high school ay nag-abroad ang kanyang ina kaya pinili niyang kunin ang kursong Bachelor of Science in Criminology na sakto namang binuksan noon sa Saint Joseph College sa bayan ng Baggao.

Panganay siya at ang desisyon niyang ito ay para na rin sa kanyang mga kapatid dahil isa rin namang magsasaka ang kanyang ama.

Inialay niya ang kanyang tagumpay sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang ina na nagsakripisyong magpunta sa abroad para sa kanila ng kanyang mga kapatid.

Pinasalamatan din niya ang lahat ng tumulong sa kanya para makamit ang kanyang pangarap lalo na ang paaralan kung saan siya nagtapos at ang Panginoon.

Payo niya sa mga nakatakdang kumuha ng pagsusulit na magset ng goal at magtiwala na makakapasa.

Sa mga hindi naman pumasa ay huwag mawalan ng pag-asa dahil may plano ang Diyos kaya ito nangyari.