
CAUAYAN CITY – Inasahan ng Regional Anti-Cybercrime Unit na maaaprubahan ang Sim card Registration Bill ngunit ito ay nai-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Mark Turingan, Chief Operations Section ng Regional Anti-Cybercrime Unit, sinabi niya na malaking tulong sana ang Sim card Registration Bill sa kanilang pag-iimbestiga sa mga kaso ng Cybercrime sa bansa.
Aniya, napapanahon ito sa panahon ngayon dahil sa bawat transaksyon online ay kailangang maglagay ng cellphone number.
Malaking tulong din ito upang maiwasan ang mga kaso ng scamming dahil nakarehistro na sa iisang may-ari ang isang phone number kung inaprubahan ang nasabing batas.
Madali na ring ma-trace ang mga kawatan na gumagawa ng pang-iiscam sa mga mamamayan dahil registered na ang sim card.
Maiiwasan na rin ang paggawa ng mga fake accounts sa social media at paninirang puri o libel.
Aniya, pahirapan ang pagtrace nila sa mga naitatalang kaso sa cybercrime dahil sa kahit sino ay pwedeng bumili ng sim card at gamitin ito sa masamang gawain.
Maaaring hindi lamang nagustuhan ng pangulo ang isa sa probisyon ng panukala na hinihingi maging ang pagrerehistro ng mga social media accounts.
Wala ito sa unang probisyon ng panukala at tanging ang pagrerehistro lamang sa numero ang kailangan at ito ay upang maiwasang magamit sa masamang paraan.
Aniya, separate bill na lamang sana ang pagpaparehistro sa mga social media accounts dahil one title one subject naman ang mga batas.
Umaasa pa rin ang Regional Anti-Cybercrime Unit na magkakaroon muli ng pagsusuri sa nasabing panukala at maaprubahan dahil malaking tulong ito upang maiwasan na ang pambibiktima ng mga scammer at pagkalat ng fake news at paninirang puri sa social media.
Muli namang pinaalalahanan ni PMaj. Turingan ang publiko na mag-ingat at huwag agad magtiwala sa mga hindi kilalang tao upang hindi mabiktima.










