--Ads--

CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng Public Consultation ang Regional Tripartite Wages and Productivity board o RTWPB kaugnay sa panawagang dagdag na sahod para sa mga minimum wage earners sa mga probinsya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad tagapagsalita ng Department of Labor and Employment o DOLE Region 2 sinabi niya na itinakda sa ikadalawampu’t apat hanggang ikadalawampu’t lima ng Hulyo ang konsultasyon kasama ang Labor Unions and Employer Union sa buong Lambak ng Cagayan.

Layunin nitong matalakay at makunan ng reaksyon ang Labor Union sa inaprubahang dagdag na 40 pesos na sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila na susundan ng Public Hearing.

Makikipag-ugnayan din ang DOLE sa Department of Trade and Industry o DTI para makuha ang kasalukuyang price monitoring para sa mga basic commodities gayundin sa hanay ng National Economic Development Authority o NEDA para matukoy ang kasalukuyang estado ng ekonomiya ng Rehiyon.

--Ads--

Muli namang ipinaliwanag ni Trinidad na nagpapalabas lamang ng Wage order ang RTWPB tatlumpung araw pagkatapos ng huling Public Consultation o Public Hearing.

Ang Wage order ay ipapadala sa Tripartite Wage and Productivity Commision para lagdaan at aprubahan.

Tiniyak naman niya na sinisiguro ng  RTWPB na ang aaprubahang umento sa sahod ay naaayon sa kakayahan ng mga employer  at estado ng ekonomiya ng rehiyon.

Dito rin matutukoy kung ano ang mga negosyo na walang kakayahan o kwalipikado para sa exemption ang  bibigyan ng isang taon na adjustment period.