CAUAYAN CITY- Nasa drying process na ang bahagi ng Alicaocao Overflow Bridge na isinailalim sa repair matapos makitaan ng butas ang span nito.
Sa ngayon ay nananatili pa rin itong impassable sa anumang uri ng sasakyan ngunit maaari namang tumawid sa tulay sa pamamagitan ng paglalakad sapagkat mayroon namang inilaang espasyo para sa tawiran.
Hindi na binakbak ang span na nakitaan ng sira bagkus ay pinatungan na lamang ito ng semento upang hindi madamay ang ibang span ng tulay at mas mapabilis ang konstruksyon nito lalo na at ‘quick dry’ na semento ang ginamit.
Target kasing maisaayos ang naturang overflow bridge bago magsimula ang School Year 2025-2026 sa ika-16 ng Hunyo.
Sa muling pagbubukas ng Alicaocao Overflow Bridge sa publiko ay tanging mga light vehicles na lamang ang maaaring tumawid sa tulay at hindi na pahihintulutan ang mga mabibigat na sasakyan.
Ito ay upang mapanatili ang kalidad ng tulay habang inaantay na matapos ang konstrukyon ng all weather bridge sa bahagi ng Mabantad, Cauayan City.