--Ads--

CAUAYAN CITY – Tuluyan nang itinigil ang retrieval operations sa dalawang lalaking nalunod sa isang bukal sa Rizal, Diffun, Quirino.

Magugunitang noong gabi ng March 30 ay nalunod si Fidel Alog, 38-anyos matapos mangisda sa isang bukal habang noong April 1 ay binalak namang sisirin ng local diver na si Eddie Ancheta, 60-anyos, may-asawa, residente ng Aglipay, Quirino ang bukal para hanapin si Alog ngunit hindi na rin siya nakaahon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni MDRRM Officer  Hensel Guillermo ng Diffun, Quirino na nagsagawa sila ng retrieval operations sa dalawang nalunod ngunit itinigil nila dahil mapanganib.

Noong araw ng Biyernes ay itinigil ng Philippine Coastguard ang retrieval operation dahil mapanganib dala ng masamang lagay ng panahon.

--Ads--

Ipinagpatuloy pa rin ng MDRRMO ang retrieval operation at gumamit na sila ng water pump upang mabawasan ang tubig sa naturang bukal ngunit nabigo silang makita ang dalawang biktima.

Dahil dito nagpasya na rin ang MDRRMO na itigil ang retrieval operation noong Sabado dahil mapanganib kung saan napakalalim ng tubig at  mayroon pang kuweba sa ilalim ng bukal.

Ipinatawag din nila ang mga pamilya ng dalawang nalunod upang ipaliwanag sa kanila kung bakit itinigil na ang retrieval operation.

Hiniling naman ng pamilya ng dalawang nalunod na gagawa sila ng paraan sa pagbabaka-sakaling makita ang bangkay ng dalawang nalunod na kanilang pinayagan ngunit ipinagbawal nila ang pagsisid sa loob ng kuweba dahil ito ay mapanganib.

Tinig ni MDRRM Officer  Hensel Guillermo.