
CAUAYAN CITY – Sumakabilang buhay na ang sanggol na sadya umanong ibinigay ng ina nito sa kakilalang mag-asawa ngunit unang pinalabas na iniwan sa bukid.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Roel Menia, hepe ng San Pablo Police Station na sumakabilang buhay ang babaeng sanggol habang ginagamot sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Maaari aniyang bunga ito ng pagkalagay sa alanganing sitwasyon ng sanggol bago dinala sa ospital matapos nilang masagip.
Lumabas sa kanilang imbestigasyon na hindi totoo na napulot ang sanggol sa bukid kundi pinalabas lamang ito para itago kung sino ang nanay ng bata.
Sinadya umano ng nanay na isang dalaga na ibigay ang sanggol sa mag-asawa para ilihim ang kanyang pagbubuntis.
Ayon kay PMaj Menia, nagsasagawa sila ng malalimang pagsisiyasat para malaman ang liability o pananagutan ng nanay sa pagkamatay ng bata
Bukod sa mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ay kasama nila ang nanay ng bata at kanyang pamilya na sumundo kagabi sa bangkay ng sanggol sa CVMC.
Ipinasakamay ang sanggol sa nanay at kanyang pamilya para mabigyan ng disenteng libing.










