Nanawagan ang ilang guro sa pamahalaan na tugunan ang kakulangan ng mga guidance counselor sa mga paaralan upang mas epektibong matulungan ang mga mag-aaral na nakararanas ng suliranin sa asal at pag-uugali.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Head Teacher VI Wendy Serrano, sinabi niyang patuloy na ipinatutupad ng mga paaralan ang mga patakaran sa disiplina habang sinusunod ang mga probisyon ng Child Protection Policy. Aniya, ginagawa ng mga guro ang kanilang tungkulin na gabayan at ituwid ang mga mag-aaral sa paraang naaayon sa umiiral na mga regulasyon.
Ayon kay Serrano, isa sa mga pangunahing hamon ng mga guro ang paghawak sa ilang mag-aaral na nagpapakita ng pagbabago sa asal at mas mahirap disiplinahin. Binigyang-diin niyang mahalagang maunawaan ng mga estudyante na kaakibat ng kanilang mga karapatan ang pananagutan at pagsunod sa mga alituntunin ng paaralan.
Idinagdag niya na malaki ang papel ng mga guidance counselor sa pagbibigay ng counseling, tamang paggabay, at suporta sa emosyonal at sosyal na kalagayan ng mga mag-aaral, kaya kinakailangan ang sapat na bilang ng mga ito sa bawat paaralan.
Dahil dito, hinikayat niya ang mas malapit na pagtutulungan ng mga magulang, paaralan, at mga kinauukulang ahensya upang mapalakas ang guidance services at matiyak ang maayos na paghubog sa mga kabataan.










