--Ads--

Nakatakdang magpakawala ng tubig ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) simula sa Mayo 15 para sa wet cropping season sa lalawigan ng Isabela at mga karatig na lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, department manager ng nasabing ahensiya sinabi nito na target nilang mapatubigan ang mahigit 95,000 ektarya ng sakahan sa ilalim ng kanilang irrigation system.

Ayon kay Engr. Dimoloy, uunahin munang patubigan ang mga lugar na sakop ng Main Canal at NDC upang matiyak na hindi makokompromiso ang pagtatanim ng mga magsasaka sa gitna ng nararanasang kakulangan sa ulan.

Ipinaliwanag nito na kabilang sa tatlong national irrigation system ng MARIIS ang Siffu, Maris Canal at Baligatan ngunit dahil bumaba na sa 160 meters ang elevation ng tubig sa dam ay hindi pa kayang maabot ng daloy ng tubig ang Baligatan area.

--Ads--

Dahil dito, unti-unting magpapakawala ng tubig ang ahensya simula Mayo 15 sa mga unang bahagi ng kanilang mga kanal hanggang sa target na mapatubigan ang mga dulong lugar pagsapit ng Hunyo 1.

Inaasahan namang makapagpapakawala rin ng tubig sa Baligatan area pagsapit ng Hunyo 1.

Sinabi pa ni Engr. Dimoloy na patuloy nilang mino-monitor ang lagay ng panahon matapos ianunsyo ng PAGASA ang posibilidad ng mild El Niño pagsapit ng Hunyo at Hulyo.

Gayunman, sinabi nito na inaasahang sa huling bahagi pa ng taon mararamdaman ang malaking epekto ng El Niño kaya hindi pa direktang maaapektuhan ang wet cropping season.

Binigyang-diin naman nito ang kahalagahan ng maayos at matipid na distribusyon ng tubig upang matiyak na walang masasayang lalo na’t mababa pa rin ang inaasahang pag-ulan ngayong ikalawang quarter ng taon.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang NIA sa iba’t ibang ahensya gaya ng Department of Agriculture, ATI, DOST at PAGASA upang matiyak na nakahanda na ang mga binhi, pataba at iba pang agricultural inputs bago tuluyang magpakawala ng tubig.

Ayon pa kay Engr. Dimoloy, mas lumaki ang target na mapatubigang sakahan ngayong taon mula sa dating 92,000 ektarya hanggang 95,000 ektarya dahil sa mga isinagawang rehabilitasyon sa mga kanal at pagpapatayo ng mga solar-powered irrigation facilities.

Samantala, hinikayat naman ng ahensya ang ilang magsasaka lalo na sa matataas na lugar na mahirap marating ng tubig na isaalang-alang ang pagtatanim ng high-value crops gaya ng mais at gulay na nangangailangan ng mas kaunting tubig kumpara sa palay.

Iginiit ng department manager na bagamat sapat pa ang kasalukuyang imbak na tubig, mahalaga pa ring mahigpit na bantayan ang distribusyon nito upang hindi maapektuhan ang mga pananim lalo na kapag nasa sensitibong yugto na ng paglaki ang mga palay.